Hindi kuntento si Albay 1st District Rep. Edcel Lagman sa ginawang pagtatanggal sa Pangulo ng Pilipinas bilang chairperson ng 15-man board of directors ng isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF)
Matatandaaang kahapon nang mapagkasunduan ng mga proponent ng panukala na tuluyan nang alisin ang isang Pangulo bilang MIF board chairman at papalitan na lamang ng kasalukuyang Finance Secretary.
Ayon kay Lagman, wala naman daw pinagkaiba ang Pangulo at ang kanyang Finance Secretary dahil alter ego niya rin ito.
Paliwanag ng independent minority lawmaker, Pangulo pa rin ang pinagsisilbihan ng isang Kalihim at susunod pa rin ito sa mga ipag-uutos ng chief executive para mapanatili ang kanyang puwesto sa Gabinete.
Para matiyak na independent at non-partisan ang pamamahala sa Maharlika – naniniwala si Lagman na dapat ay magmula ang board chairman sa isang pribadong sektor.
Pinatitiyak din ng mambabatas na dapat ay qualified at isang experienced economic manager ang itatalagang MIF chairperson.
