BNFM BICOL—Umarangkada na rin sa islang lalawigan ng Catanduanes ang pagbabakuna sa mga residenteng kabilang sa A5 priority groups o ang mga indigent populations.
Ayon kay DOH Provincial Officer Dr. Robert John Aquino, araw-araw na ang isinasagawang vaccination roll out sa iba’t-ibang bahagi ng probinsya upang mas mapabilis ang pagkamit ng herd immunity o population protection.
Kahapon, araw ng Miyerkules, nasa mahigit 700 indibidwal na kabilang sa indigent population sa bayan ng Virac ang binakunahan kontra sa sakit.
Dagdag pa ni Aquino, batay sakanilang huling pagtataya nasa 100% na ng mga nasa A1 o health workers ang fully vaccinated; 80% na ang mga naturukan mula sa A2 o mga senior citizens; 88% sa mga kabilang sa A3 o individuals with comorbidity habang puspusan naman ang kanilang isinasagawang pagbabakuna para sa mga kabilang sa A4 at A5 priority groups.
Ngayong linggo, inaasahan ang pagdating ng karagdagang 15,210 doses ng Pfizer COVID-19 vaccine sa islang probinsya kaya’t nanawagan ang opisyal sa mga residente na makiiisa sa nagpapatuloy na vaccination roll out, at sumunod sa mga umiiral na health protocols lalo na at patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases sakanilang lalawigan.###