Sisimulan na sa Lunes, Hulyo 11, ang pagbabakuna ng COVID- 19 booster shot sa mga batang edad 12- 17 anyos sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ito ang kinumpirma sa Brigada News FM Daet ni Dr. Jocelyn Iraola, Provincial Officer ng Department of Health.
Kasunod yan ng anunsiyo kahapon ng DOH Bicol na available na ang booster shot para sa naturang age group.
Ito ay sa gitna ng unti- unti na namang pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19 kaya hinihikayat ang mga magulang na pabakunahan ng booster dose ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na Health Center.
Ang booster o additional doses ay magbibigay ng kumpletong proteksyon kontra COVID- 19 at sa mga bagong lumalabas na variant.
Sa datos ng Provincial Covid- 19 Operation Center nasa 59, 851 o 76 percent na ng target population ang nakatanggap ng primary dose sa naturang age group.
May ilang bayan din na nalagpasan ang target na mabakunahan tulad ng Capalonga na nasa 107. 9 percent.
Unang tinarget ng LGU na mabakunahan ang 4, 332 na mga edad 12- 17 anyos pero umabot sa 4, 673 ang nakatanggap ng primary dose.
Lumagpas din ang San Vicente sa kanilang target na mayroong 106. 9 percent
Sa target na 1, 400 nasa 1, 497 ang nabakunahan.
Mataas na rin ang bilang ng mga batang nakatanggap ng primary dose sa Basud na nasa 96. 8 percent.
Ang babakunahan ng booster dose ay ang immunecompromised, non- immunocompromised at ang nalalabing populasyon ng mga bata sa natunag age group.
Ang immunocompromised ay babakunahan ng booster dose 28 araw pagkatapos mabakunahan ng second ng primar dose series.
Habang ang non- immunocompromised at nalalabing batang populasyon ay bibigyan ng booster dose 5 buwan pagkatapos ng second dose.
Pfizer- BioNtech ang ibabakunang booster sa 12- 17 anyos.
Matatandaan na sinimulan ang COVID- 19 vaccination sa lalawigan sa pediatric population Marso nitong taon.
