Kumbinsido ang ilang analyst na ang pagbaba ng bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa sa mga nakalipas na araw ay dahil sa pagbaba din ng bilang ng mga nagpapa-test.
Sinabi ng analyst na si Edson Guido na ito ay sa harap na rin ng pagluluwag sa protocols sa ilang mga lugar sa bansa lalo na sa National Capital Region.

Ayon kay Guido, mas malaking porsyento ng ibinaba ng COVID-19 cases kumpara sa testing kaya kung tataasan ang testing output ng bansa ay posibleng tumaas ang bilang ng mga magpopositibo sa COVID-19.
Napag-alaman na bumaba ang testing output ng mga laboratoryo noong nakaraang linggo kung saan nasa 55,000 ang average test na mas mababa kaysa sa 80,000 na naisagawang testing noong Setyembre.
Muli ding nagpaalala ang mga health experts na hindi dapat magpaka-kampante ang publiko kahit bahagyang nagluwag ang health protocols dahil hindi naman anila nangangahulugan ito na nawawala na ang virus.