Naniniwala si Prosecutor General Ben Malcontento na hindi pa sa ngayon makaaapekto ang recantation ni Rafael Ragos sa mga kinahaharap na kaso ni Senadora Leila de Lima dahil sa ‘di umano’y ugnayan nito sa kalakaran ng iligal na droga sa New Bilibid Prison.
Ito ay kahit na ang testimonya ng dating BuCor OIC ang isa sa mga basehan ng Muntinlupa RTC sa pagbasura sa kahilingan ni de Lima sa demurer to evidence, o ang pagbasura sa mga ebidensya laban sa kanya.
Sa isang panayam, sinabi ni Malcontento na ‘off the record’ pa rin sa ngayon ang mga bagong affidavit ni Ragos.

Dahil dito, hindi pa rin daw direktang naaapektuhan ang mga pending na kaso ng Senadora.
Samantala, naniniwala naman ang Department of Justice na ‘kuwestiyonable’ ang mga ginawang pag-kambyo ng dating BuCor official.
Ayon sa Kagawaran, ‘highly suspicious’ ang ginawa ni Ragos na magreresulta ng pagdududa sa kanyang mga pahayag.
#