Nilinaw ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na hindi lang basta basta procedural ang pagpapatupad ng arrest order laban kay Alice Leal Guo o ‘Guo Hua Ping’ dahil isa rin umano itong unang hakbang sa pagpapanagot sa kanya sa ilalim ng batas.
Anya, sa dami ng naging kasinungalingan at krimeng isinagawa ni Guo ay mandato lang ng Senado na tiyakin ang proteksyon at kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino.
Alinsunod nito, patuloy umano niyang hihintayin si Guo at ang ilan pang napa-cite in contempt order at napa-subpoena sa Senado sa darating na pagdinig sa July 29.
Binalaan niya rin ang mga ito na magpakita na lang sa pagdinig dahil hindi naman umano kahit kailanman maitatago ng mga ito ang katotohanan.
Maalala, inilabas na ngayong araw ni Hontiveros ang kopya ng arrest order na siyang naaprubahan na ng Mataas na Kapulungan.