Suportado ni House Committee on Labor and Employment Chairman at Rizal Representative Fidel Nograles ang ideya ni Pangulong Bongbong Marcos na maglunsad ng short courses upang umangat ang “employability” ng K to 12 graduates.
Ayon kay Nograles, mainam ang mga proyektong magpapaangat sa graduates ng Kindergarten to Grade 12 upang agad silang makahanap ng trabaho.
Maaari aniyang magkasa ng koordinasyon sa pribadong sektor upang matiyak na mapupunuan ang pangangailangan ng industriya.
Paliwanag ni Nograles, kailangang masiguro na naaangkop ang short courses sa pangangailangan ng iba’t ibang industriya kaya mahalaga ang pagtutulungan ng gobyerno at private sector.
Ikinalugod din nito ang magandang resulta ng Philippine Business for Education 2024 Jobs Outlook Study kung saan apat sa limang employers o 86.6 percent ang handang mag-hire ng K to 12 graduates.
42 percent naman ng micro, small and medium enterprises o MSMEs at 63 percent ng malalaking kumpanya ang mayroong mga empleyado na K to 12 graduates.
Nangangahulugan umano ito na hindi isinasara ang pinto para sa K to 12 graduates para makahanap ng trabaho.