Binatikos ng kalihim ng Department of National Defense (DND) ang tagapagsalita ng Chinese foreign ministry dahil sa umano’y pang-iinsulto kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang ipahayag nito ang hindi pagsang-ayon sa isang mensahe na inilabas ng pinuno ng Pilipinas.
Saad ni DND Secretatry Gilbert Teodoro, ikinalulungkot niyang kinakailangan pang ibaba ni spokesperson Mao Ning ang kanyang sarili, ang Ministry, at ang partidong nirerepresenta niya, para lang insultuhin ang Pangulo.
Maalalang nagbabala ito kay PBBM na huwag nang palalain ang sitwasyon sa pagitan ng China at Taiwan, at sinabing pang magbasa nang maigi upang maintindihan ang hidwaan ng dalawang panig.
Dumating ang pahayag ng tagapagsalita nang magpadala ng pagbati ang Pangulo sa president-elect ng Taiwan at pro-sovereignty leader na si Lai Ching-te.
Samantala, nanawagan naman si Chinese Ambassador Huang Xilian sa Pilipinas na pangasiwaan ang mga isyung may kinalaman sa Taiwan nang mapanatili ang matatag na relasyon sa China.