Nagpasalamat si House Speaker Martin Romualdez sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth at sa Department of Health matapos aprubahan ang mas mataas na financial assistance sa dialysis patients.
Ayon kay Romualdez, malaking tulong ang pagtataas ng benepisyong ipinagkakaloob ng PhilHealth sa mahigit isang milyong Pilipinong nagpapa-dialysis.
Mula kasi sa 2,600 pesos ay ginawa nang apat na libong piso ang sasagutin ng PhilHealth sa dialysis.
Sa pamamagitan aniya nito ay hindi na kailangang gumastos ng mga pasyente para sa procedure kahit sa mga pribadong health facilities.
Paliwanag ni Romualdez, ang pagdadagdag ng benepisyo ay suporta sa pagnanais ni Pangulong Bongbong Marcos at sa layunin ng Universal Health Care Law na matulungan ang mahihirap na pamilya na makapagpagamot nang libre.
Kasabay nito, hinimok ng leader ang mga pasyente na huwag balewalain ang sakit sa kidney bago pa mauwi sa mas malalang problema na mauuwi sa dialysis.
Umaasa naman ang Speaker na aaprubahan din ng PhilHealth ang pagbibigay ng iba pang libreng health services na hinihiling nito at ng mga kasamahang mambabatas tulad ng laboratory test at mammogram.