Kasalukuyan na ang isinasagawang repair sa mga evacuation areas sa Isabela bilang bahagi ng paghahanda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa maaring kaharaping bagyo sa darating na tag-ulan.
Ito ang kinumpirma ni Isabela PDRRM Officer Retired PBGen. Jimmy Rivera sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, kasalukuyan na ang repair sa Provincial Multi-Purpose Evacuation Center sa Brgy. Alibagu, City of Ilagan, Isabela habang ang pagsasaayos sa mga evacuation center sa coastal town ng Isabela ay ipinasakamay na sa mga Lokal na pamahalaan ng 4 na bayan.
Ayon pa kay Officer Rivera, bagaman 100% nang tapos ang mga evacuation center partikular sa Maconacon, Divilacan, Palanan at Dinapigue ay kinakailangan pa ring maayos ang mga nasirang bahagi dulot ng nagdaang mga bagyo.
Ito aniya ay upang maging handa na ang mga lugar sakaling may isasagawang pre-emptive evacuation lalo na sa darating na BER months at tag-ulan.
Nagkakaroon na rin ng water search and rescue training sa bayan ng Maconacon at Divilacan upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente at maging handa sa anumang kalamidad.
Nakipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa Liga ng mga Barangay katuwang ang kapulisan upang magsagawa ng coastal river watch patrol upang bantayan ang ilog maging ang mga resort.
Samantala, magsasagawa na rin ang PDRRMC ng libreng training ng mga life guards sa probinsiya.