SORSOGON CITY – Kumpiskado ang P60, 000 na halaga ng pinatuyong dahon ng Marijuana maging ang 7 paso ng ‘fully grown’ at 7 paso ng seedlings ng Marijuana sa maglive-in partner na plantito at plantita sa Brgy Bibincahan, lungsod ng Sorsogon.
Sa panayam ng Brigada News sa PDEA agent na nagsagawa ng operasyon, buy bust lang sana ang kanilang ikinasa subalit humantong din ito sa pagkadiskubre ng mga fully grown at seedlings ng Marijuana sa magkalive-in partner na kinilalang sina Architect Marc Baranda Ducay at Heide Tulao Badajos, naninirahan sa Penafrancia, OLV Brgy Bibincahan ng nasabing lungsod.
Ayon pa sa PDEA agent, isang tip ang kanilang natanggap sa isang concerned citizen na nakapansin sa pinapatuyong dahon sa harapan lang mismo ng bahay ng mga suspek na pinagdudahan nito na parang dahon ng Marijuana.


Umabot sa isang linggo ang ginawang surveillance ng mga operatiba sa mga suspek bago ikinasa ang anti-illegal drugs operation kahapon, Abril 6 dakong alas 5:34 ng hapon.
Nakumpiska sa mga suspek ang mahigit-kumulang 500 gramo na pinatuyong dahon ng Marijuana, drug paraphernalia at kusang itinuro naman ng mga ito sa likurang bahay ang kanilang kinahihiligang tanim na Marijuana.
Ngayong araw ay nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.
