Posible pang mas bumaba ang presyo ng well-milled rice na ibinebenta sa Kadiwa ng Pangulo ayon sa Department of Agriculture.
Sabi ni Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, sa oras na bumaba ang presyo ng bigas sa P43 kada kilo, mabibili na sa halagang P38 ang bigas sa mga Kadiwa ng Pangulo.
Mas mababa aniya ng limang piso kada kilo ang bentahan sa kadiwa kesa sa mga palengke.
Ibinaba ang presyo ng bigas sa kadiwa centers dahil bukod sa panahon ng anihan ngayon, bumaba rin ang presyo sa local at international market, inalis ang export ban sa India at bunga na rin ng pagbaba ng taripa sa imported na bigas mula 35% sa 15%.
Sa mahigit 400 kadiwa stores nationwide, nasa 41 pa lamang ang nagbebenta ng P43 at P29 na kada kilo ng bigas pero target ng DA na maitaas ito sa 169 bago matapos ang taon.
Samantala, nanawagan naman si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel sa mga consumer na wag samantalahin ang bentahan ng murang bigas para ibenta sa mas mataas na presyo.