Naniniwala si Senate President Chiz Escudero na hindi pa rin sapat ang aprubadong dagdag na P35 na arawang sahod sa National Capital Region (NCR).
Ito ay alinsunod sa inilibas na Wage Order No. NCR-25 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board na siyang magiging epektibo naman sa darating na July 17.
Anya, sa gitna ng mga matataas na presyo ng bilihin dala ng inflation rate ay maliwanag na makikitang kulang at malayong matugunan ng dagdag sahod na ito ang tunay na pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino.
Pagdidiin niya pa, hindi tulad ng kanilang naipasang P100 across the board wage increase bill sa Senado na naglalayong magbigay ng ‘living wage’ ay tila ang P35 na dagdag sahod ay hindi pa abot sa ‘minimum wage’.
Alinsunod nito, tiniyak niyang patuloy nilang ipaglalaban sa Senado ang prinsipyo at paniniwala nila na ang konting bawas sa kita ng mga negosyante ay malaking pakinabang at tulong sa mga manggagawa.