Hindi lang isa kundi may iba pang opisyal ng gobyerno ang nagsisilbing backer ng mga POGO na nag-a-apply ng lisensiya.
Ito ang inihayag ni PAGCOR Assistant Vice President Catalino Alano Jr., matapos ibunyag kamakailan ng ahensya na sinubukan umano ng isang dating mataas na opisyal ng Gabinete na pangasiwaan ang mga lisensya ng ilang ilegal na POGO na ni-raid kamakailan.
Ayon kay Alano, dahil malaking pera ang pinag-uusapan sa negosyong ito, marami at iba ibang opisyal ng gobyerno ang lumalapit sa Pagcor para mabigyan ng lisensya ang ilang mga POGO.
Ipinaliwanag naman ng opsiyal na ngayon lang nila ito sinabi dahil nagsagawa muna sila ng masusing imbestigasyon at binuklat lahat ng records para sigurado sila sa lahat ng impormasyon na hawak nila.
Samantala, handa naman ang Chairman and Chief Executive Officer ng PAGCOR na si Alejandro Tengco na ibunyag ang kanyang nalalaman kung siya ay maiimbitahan sa susunod na pagdinig ng Senado.