Naniniwala ang National Economic and Development Authority o NEDA na hindi magdudulot ng inflation o paglobo sa presyo ng bilihin ang ipinatupad na dagdag-sahod sa mga manggagawa.
Sa isang panayam, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na aabot lamang ng hanggang sa 0.15% ang epekto nito sa inflation.

Sa ngayon, tanging 6.1% na umento lang sa wages ang nirerepresenta nito.
Giit ni Chua, tatlong taong hindi nagalaw ang minimum wage kaya ang ginawa lamang ngayon ay binabalanse ang kapakanan at concerns ng mga manggagawa at mga employer nito.
Bago ito, una nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na maaring mag-file ng exemption ang mga maliliit na negosyo para sa dagdag-sahod nila sa kanilang mga empleyado.
Ito ay makaraang ikabahala ang epekto ng wage increase sa mga micro enterprises na higit na naapektuhan ng pandemya.
Ayon kay Bello, maaaring ma-exempt sa dagdag-sahod ang mga negosyong mayroong maliit na bilang ng mga empleyado para hindi ito mahirapan kung saan nila kukuhain ang mga ipapasahod sa kanilang mga tauhan.
#