SORSOGON CITY—Mga train units na gawa ng China ang posibleng bumyahe sa rutang Manila-Bicol and vice versa oras na makumpleto ang PNR South Long Haul project.
Mapapaikli nito ang byaheng Manila-Bicol at pabalik ng hanggang apat na oras mula sa kasalukuyang 12 oras.
Sa impormasyon, ang mga train units na ito ay ang kauna-unahang 160kph diesel Electric Multiple Unit (EMU) na inexport ng China sa Pilipinas.
Mayroon itong business seats, first-class seats at second-class seats kaya komportable ang mga pasahero.
Oras na ito ay bumyahe, ang mga pampasaherong tren ay tatakbo sa bilis ng hanggang 160 kilometro kada oras habang ang mga cargo train ay tatakbo sa bilis ng hanggang 100 kilometro kada oras.
Magiging ruta ang 565-kilometrong riles ng PNR na magdurugtong sa Kamaynilaan sa mga lalawigan ng Sorsogon at Batangas sa Timog Luzon.
Inaasahan ang magiging magandang impact nito sa ekonomiya dahil maaari itong makalikha ng nasa 5,000 direktang trabaho kada taon.
Mababatid na ang first phase ng $2.76 billion (P142 billion) PNR South Long Haul project ay target tapusin sa ikatlong quarter ng 2025 at target naman ang full completion ng buong proyekto sa 2027.
Nakapaloob sa proyekto ang paggawa ng 23 stations, 230 na mga tulay, sampong passenger tunnels, at ang 70 hektaryang depot sa San Pablo, Laguna.
Ang PNR Bicol South Long Haul project ay popondohan sa ilalim ng official development assistance (ODA) loan mula sa China.###
