P1M per day na multa para sa palpak na telcos, isinusulong

Isinisi ni Makati City Representative Luis Campos sa mabagal na serbisyo ng telecommunications companies ang pagbagsak ng ranggo ng Pilipinas sa internet speed test sa mundo.

Batay kasi sa Ookla Global Speedtest Index nitong Mayo, bumaba ng apat na baitang o rank number 83 ang bansa na may 32.12 megabits per second o Mbps.

Ayon kay Campos, hindi sapat ang ginagawang hakbang ng telcos para pagbutihin ang kanilang networks.

Ito ang dahilan kung bakit nais ng kongresista na maghain ng panukalang batas na magtatakda ng deadline sa telcos para gawing mas mabilis ang internet speed at magpapataw ng mabigat na multa.

Paliwanag nito, dapat mapabilis ang internet sa Pilipinas upang magkaroon ng access ang publiko sa online resources, serbisyo sa gobyerno, edukasyon at iba pang bagong oportunidad.

Kung pag-uusapan naman ang Association of Southeast Asian Nations o ASEAN, pang-anim ang Pilipinas sa sampung bansa pagdating sa internet speed.

Nangunguna sa ASEAN ang Brunei na may 107.40 Mbps at sumunod ang Singapore, Malaysia, Vietnam at Thailand.

Sa inihain ni Campos na House Bill 10215, idedeklara ang high-speed internet connection bilang basic telecommunication service sa bawat Pilipino na may “right to access” sa halip na value-added service.

Bibigyan ng kapangyarihan ang National Telecommunications Commission na atasan ang telcos na magkaroon ng target na mobile internet speed na dapat makamit bago ang deadline dahil kung hindi ay kailangan nilang magmulta ng isang milyong piso kada araw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *