Tiniyak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na accounted for ang bawat sentimo ng P160-million flagged funds nito na makikita sa ulat ng Commission on Audit.
Inihayag ito ng ahensya sa gitna ng natatanggap nitong mga kritisismo matapos ibunyag ng COA na inilipat ng TESDA ang naturang pondo sa kontrobersyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na “highly questionable” dahil sa kawalan ng otoridad at ligal na basehan.
Ipinunto rin ng COA na walang akmang guidelines sa kung papaano gagamitin ang pondo, na dahilan upang ma-expose ito sa posibleng misuse o misappropriation.

Ipinaliwanag ni TESDA Director General Isidro Lapeña na ang mahigit P160-million na pondo nito ay inilaan nila sa scholarship at livelihood projects ng mga dating rebelde.
Ayon kay Lapeña, ginamit nila ang nakwestyong pondo para makapamuhay muli ng normal ang mga dating miyembro ng communist terrorist groups.
Iginiit rin ni Lapeña na nagsisilbi ang TESDA bilang head ng Poverty Reduction, Livelihood, and Employment Cluster at ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Ito anya ang dahilan kung bakit nakikipagtulungan ang ahensya sa anti-insurgency task force ng gobyerno.
Tiniyak naman ni Lapeña na maglalabas ang TESDA ng mas detelyadong report sa COA na susuporta sa kanilang disbursements sa lalong madaling panahon.