Nanawagan si House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Joel Chua sa Department of Justice na maglabas ng lookout bulletin order laban sa pitong opisyal ng Office of the Vice President kaugnay sa isyu ng umano’y maling paggamit ng confidential funds noong 2022 at 2023.
Kasunod ito ng pagpapa-subpoena sa mga naturang opisyal upang humarap at magbigay ng testimonya nang hindin sumipot sa mga naunang imbestigasyon.
Kabilang sa mga opisyal na tinukoy ay sina OVP Chief-of-staff Zuleika Lopez, Assistant Chief-of-staff at Chairman ng Bids and Awards Committee na si Lemuel Ortonio, Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez, Special Disbursing Officer Gina Acosta at Chief Accountant Juleita Villadelrey.
Gayundin sina dating Education Assistant Secretary Sunshine Fajarda at SDO Edward Fajarda.
Sa kanyang liham kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, iginiit ni Chua na ang mga testimonya ng mga opisyal ng OVP ay mahalaga sa imbestigasyon at sa pagsisiguro ng pananagutan sa mga pondo ng taumbayan.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang House panel na posibleng lumabas ng bansa ang mga nabanggit na opisyal.
Binigyang-diin pa ng kongresista na mapipigilan ng lookout bulletin order ang anumang pagtatangka ng pagpuslit palabas ng bansa na maaaring makaantala sa imbestigasyon at makaapekto sa pagsisikap na itaguyod ang integridad ng serbisyo publiko.