Suportado ni Senador Robinhood Padilla ang panukala na layong dagdagan ang mga benepisyo ng mga naging pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Tugon ito ng mambabatas sa inihaing Senate Bill No. 1784, ‘o ang Former Presidents Benefits Bill nina Senators Bong Go, Mark Villar, Francis Tolentino at Bato dela Rosa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Padilla na tuluy-tuloy pa rin naman daw ang pagmamalasakit ng mga former presidents sa mga Pilipino.
Aniya, naniniwala siyang marami pa rin silang maiaambag sa bayan kahit na tapos na ang kanilang mga termino.
Kung siya nga raw ang tatanungin, ilalagay niya sa probisyon sa panukala ang pagiging automatic presidential adviser ng mga dating pangulo.
Ipauubaya na raw nila sa discretion ng kasalukuyang chief executive kung anong sektor o paksa ilalagay ang isang former president.
Inihalimbawa niya si dating pangulong Rodrigo Duterte na maaari raw italaga bilang law enforcement o foreign relations adviser.
Kung maaalala, una nang inalok si Duterte na maging ‘drug czar’ ng administrasyong Marcos ngunit tumanggi na ito.
Samantala, sa hiwalay na pahayag – nag-abstain sa panukala si Senador Jinggoy Estrada dahil sakali mang maisabatas, magiging benipesyaryo nito ang kanyang ama na si dating pangulong Erap Estrada.
