Ordinansang magagawad ng mga benepisyo at insentibo sa mga Barangay Volunteers sa Mercedes, Camarines Norte aprubado na ng Sangguniang Bayan

CAMARINES NORTE- Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Sangguniang Bayan ng Mercedes, Camarines Norte ang Barangay Volunteers Benefits and Incentives Ordinance of 2021 na magagagawad ng mga benepisyo at insentibo sa mga Day Care Workers, Barangay Health Workers, Barangay Nutrition Scholars at Barangay Tanod.

Sakop nito ang mga nabanggit na Barangay Workers na nakapag serbisyo na ng kahit isang taon.

Sa ilalim ng ordinansa na iniakda ni Councilor Colen Ibasco ang mga Barangay Volunteers ay ipapasok sa Philhealth insurance coverage sa pamamagitan ng Sponsorship Scheme para makinabang ng sapat na health services package.

Babalikatin ng munisipyo ang kabuuan ng premium contribution alinsunod sa National Health Insurance Act of 2013.

Hindi kasama sa benepisyong ito ang mga Barangay Volunteers na benepisyaryo na ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Read More:  How This Family Business in GenSan is Modernizing for a New Era of Doing Business

Para naman masiguro na malusog o physically fit ang mga Barangay Volunteers ay sasailalim ang mga ito sa complete medical examination sa pamamagitan ng Municipal Health Office bago tanggapin sa serbisyo at kailangan itong ulitin taon- taon.

Sa sandaling magkasakit, ang mga Barangay Volunteers ay may karapatan sa 50 percent discount sa medical at dental services na ibibigay rin ng MHO.

Tatanggap din ng hindi bababa sa isang libong piso na Year End incentive ang mga ito mula sa LGU depende sa tagal ng kanilang pagseserbisyo.

At bilang pagkilala, ang mga  Barangay Volunteers na nakapag serbisyo na ng hindi bababa sa limang taon ay makakatanggap ng one- time Gratuity Pay Incentive na hindi hihigit sa isang libong piso sa kada taon ng pagseserbisyo at Plaque of Recognition mula sa LGU.

Read More:  NYLI pushes mental health-centered climate resilience through project OASIS

Ang Gratuity Pay Incentive ay para sa mga Accredited Barangay Volunteers na 60 taong gulang pataas at sa mga na- disable dahil sa aksidente o pagkakasakit habang ginagampanan ang trabaho anuman ang edad nito.

Tatanggap rin ng P15, 000 na burial assistance ang mga ito kapag namatay habang nasa active service.

Maliban sa mga nabanggit ay may karapatan din sila sa Hazard allowance alinsunod naman sa DBM- DOH Joint Circular No 1 s 2016 kung expose ang mga ito sa  panganib na dala ng kanilang trabaho.