Virac, CATANDUANES— Tahasang inihayag ni Virac, Catanduanes Vice Mayor Arlynn Arcilla na dapat munang busisiin at suriin ng Catanduanes Provincial Government ang ordinansa kaugnay ng ipapatupad na ‘price ceiling’ sa nasabing bayan.
Ayon kay Arcilla, ang pagtatakda ng presyo sa mga pangunahing bilihin sa bayan ng Virac ay isang malaking isyu at usapin. Kinakailangan kasi umanong balansehin ang interes ng mga stakeholders; mga nagtitinda at lalo na ng mga consumers.
Sa ngayon, ay naipasa na sa Sangguniang Panlalawigan ang ordinansa para sa price ceiling upang suriin alinsunod na rin sa umiiral na batas kung saan kinakailangan muna itong matingnan ng mga opisyal partikular ng mga bokal sa lalawigan bago tuluyang isakatuparan.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na rin ang LGU-Virac sa iba pang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan at sa Department of Agriculture upang hingin ang opinyon at rekomendasyon ng mga ito sa pagpapatupad ng price ceiling.
Sa huli inihayag ni Arcilla na mahalaga ang pagpapatupad ng price ceiling upang mabigyang proteksyon ang karapatan ng mga konsyumer at mga vendors.###