“One-day only marriage”, uso ngayon sa rural China

Sa Pilipinas, may lumang kasabihan na “Ang kasal ay hindi parang mainit na kanin na pag napaso ka, iluluwa mo na”.

Ibig sabihin, ang pagpapakasal ay pinag-iisipan ng mabuti dahil ito ay pangmatagalan, ang iyong forever. Ika nga sabi nila, isang beses ka lang ikakasal.

Ngunit ang kasabihang ito ay tila hindi kinikilala sa isang lugar sa China dahil ang kanilang kasal ay pwedeng tumatagal lamang ng isang araw!

Ang naturang seremonya ay tinatawag na “one-day marriage” na isang araw lamang ang bisa.

Trending ngayon ang negosyong ito sa Hebei province kung saan ang mga single na lalaki ay nagpapakasal sa kanilang mga pekeng bride.

Ngunit bakit nga ba nanaisin ng isang lalaki na ikasala sa kanyang fake bride at magsama sa loob lamang ng isang oras?

Ayon sa local news, ito ay dahil ang mga single men na nag-a “i do” sa naturang seremonya ay gustong maihimlay o makapasok sa ancestral grave o libingan ng kanilang mga ninuno.

Ito ay dahil sa ilang lugar sa China, ang mga lalaking tatanda ng single o tinatawag na guanggun ay hindi maaaring ilibing sa gravesite ng kanilang pamilya o ancestral hall.

Dahil dito, nagbabayad ng 3,600 yuan o 500 US dollar ang groom para rentahan ang bride maliban pa sa 1,000 yuan para sa brokerage fee.

Maaring pumili ang groom sa listahan ng mga professional brides para kanyang pakasalan.

Ngunit hindi sila magsasama habang buhay at ang lahat ay para lamang sa isang papel para sabihin sa kanilang mga ancestors na sila ay ikinasal at hindi magiging single habang buhay.