Tuloy ang pagbabantay ng mga health experts at ng Department of Health sa mga na-monitor na kaso ng Omicron BA.2.12.1 subvariant sa Pilipinas.
Mababatid na kinumpirma na ng DoH ang local transmission nito sa bansa – ibig-sabihin, na-infect ang ilang indibidwal kahit na wala itong foreign travel history.

Sa kabila nito, sinabi ni infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante na hindi pa rin maituturing na ‘concerning’ ang mga bagong kaso nito.
Ang mahalaga aniya, makapagpa-booster shots na ang mga Pilipino para hindi na lumala pa ang sintomas nito sakali mang ma-infect ng mas nakahahawang subvariant na ito.
Dahil dito, umapela si Dr. Solante na maaprubahan na ang 2nd booster shots para sa iba pang sektor gaya ng healthcare workers at mga senior citizens.
Samantala, kinumpirma naman ni Iloilo City Mayor Jerr Treñas na nag-negatibo na ang tatlong bagong COVID-19 cases sa kanilang bayan.
Sa ngayon, nananatili na lamang sa 2,487 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa latest bulletin ng Department of Health, nakapagtala ng 110 na mga bagong kaso nito – mas mababa sa 160 cases nitong Lunes.
#