LEGAZPI CITY – Isinaayos na ng Provincial Government of Albay ang napabayaang olympic size swimming pool sa loob ng Bicol University.
Ayon kay Albay Governor Noel Rosal, ilang taon na ring hindi naayos ang swimming pool sa unibersidad kung saan nagmistula na itong sapa kung titingnan at kulang na lamang umano ay lagyan ito ng mga isda.
Aniya, hindi magamit ng mga nagnanais mag-ensayong mga manlalaro dahil sa napakaruming tubig ng pool sa loob.
Marami umanong swimmers club ang nagtatanong o naghahanap ng lugar sa Albay kung saan may maaaring magamit na pool para sa kanilang pag-eensayo.
Dahil dito, muling nilinis ng Provincial Engineering Office at pamahalaang panlalawigan ang swimming pool upang magamit ng mga manlalaro sa Albay.
Sinabi ng gobernador, maraming mahuhusay na manlalaro sa lalawigan kung kaya’t kailangang alagaan at bigyan ng maayos na lugar na kanilang pag-eensayohan upang makamit ang kanilang tagumpay sa larangan ng sports.