Idineklara ng Malacañang ang Oktubre 15 ng bawat taon bilang National Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day.
Sa bisa ng Proclamation No. 700, na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong October 2, ni-repeal nito ang Proclamation No. 586 na nagtatalaga sa Marso 25 bilang “Day of the Unborn.”
Layunin ng bagong proklamasyon na kilalanin at alalahanin ang mga sanggol na nawala bago pa man nila nasilayan ang mundo, at bigyang-pansin ang mga ina at pamilya na dumadaan sa ganitong mga pagsubok.
Ayon sa proklamasyon, mahalagang magtalaga ng espesyal na araw upang mapataas ang kamalayan at magbigay ng komprehensibong suporta sa mga apektadong pamilya, kabilang ang mga mental health services, mga programang pangkomunidad, at tamang gabay sa pangangalaga ng kalusugan.
Inatasan ang Department of Health na manguna sa pagpapatupad ng mga programa, aktibidad, at proyekto na kaugnay sa paggunita ng nasabing araw.
Hinimok din ang iba pang ahensya ng pamahalaan, mga GOCCs, mga unibersidad at kolehiyong pampubliko, state university and colleges, pati na rin ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor na makilahok at magbigay ng kinakailangang suporta sa selebrasyon.