Inatasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang lahat ng partido na maghain ng kanilang formal offer of evidence kalakip ang mga affidavit ng mga testigo at kani- kanilang position papers.
Kaugnay ito sa nakabinbin ngayong application ng Primewater Infrastructure Corporation na dagdag na taripa sa tubig na mariing tinututulan ng mga apektadong kunsomidores sa lalawigan ng Camarines Norte.
Batay sa kautusan ni Atty. Juan Corpuz, Chief Water Utilities Division na may petsang April 26, 2021, mayroong labing limang araw ang bawat partido na magsumite ng kani- kanilang position paper at mga ebedensiya matapos matanggap ang naturang kautusan.
Ang mga nakatanggap ng April 2021 order ng NWRB ay ang abogado ng Primewater, at ang mga naghain noon ng resolusyon na tumututol sa tariff increase na kinabibilangan ng mga Sanggguniang Bayan ng Labo, Daet, Basud, Talisay at Vinzons.
Nakatanggap rin ng order ang Camarines Norte Water District (CNWD) na una na ring nagpahayag ng pagtutol sa tariff increase.
Matatandaan na una nang dumipensa ang Primewater sa hirit nitong tariff increase sa gitna ng pag alma ng mga kunsomidores.
Sinabi noon ni Primewater Branch Manager Mark Anthony Muroda na walang mali sa hirit ng kumpanya na magtaas ng taripa sa tubig dahil nakapaloob umano ito sa Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng kumpanya at ng CNWD.
Sa ilalim umano ng kasunduan pwedeng magtaas ng taripa ang kumpanya sa ika- apat na taon ng JVA.
Bukod dito hindi lang naman daw ito basta pagtaas ng taripa dahil may kaakibat itong development aspect.
Pero ayon sa CNWD hindi nasunod ng Primewater ang nakasaad sa JVA dahil hindi ito dumaan sa review ng una bilang Contract Monitoring Unit (CMU).
Sa pagharap ni CNWD General Manager Onofre Garing noong Marso sa Sangguniang Panlalawigan sinabi nito na nauna ang application ng Primewater bago dumaan sa kanila na taliwas umano sa JVA.
Paliwanag ni Garing na ang pag determina ng tariff increase alinsunod sa Sec. 8.1.2 ng JVA ay dapat makatuwiran, prudente, mahusay at lehitimo kaya’t kailangan itong dumaan sa rebyu ng CNWD na tumatayong CMU.
Kung maaprobahan ang 20% na proposed tariff increase, magiging P242 na ang minimum sa residential mula sa kasalukuyang P202
Kung idagdag ang Value Added Tax (VAT) papalo na ito sa P271 na tiyak na magiging mabigat sa mga kunsomidores lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.

