Nurse robot sa HK katuwang na sa pag-alaga ng mga COVID-19 patients

HONGKONG—Isang nurse robot sa Hongkong ang nakakatuwang na ngayon sa pag-aasikaso sa mga may sakit na senior citizen at mga naka-isolate na pasyente dahil sa COVID-19.

Ang humanoid robot na si Grace ay nilikha bilang katuwang ng mga nurse at doktor sa ospital.

Mayroon itong sensor gaya ng thermal camera para mag-detect ng temperatura at pulso ng pasyente at katuwang din ng mga doktor sa diagnosis ng sakit at paggamot.

Kaya din nitong magbigay ng talk therapy at makipag socialize dahil marunong itong magsalita ng mga wikang Ingles, Mandarin at Cantonese.

Ang robot na si Grace ay nilikha ng kumpanyang Hanson Robotics na siya ring gumawa sa robot na si Sophia noong 2016.

Ayon sa founder at CEO nitong si David Hanson, nilikha si Grace hindi upang palitan ang tao at ang magagawa nito kundi bilang suporta sa mga medical professionals.

Napapanahon din umano ang pagkakalikha dito lalo ngayong nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang buong mundo.

Ayon sa International Federation of Robotics, bago pa man ang pandemya ay nakitaan na ng 28% na pagtaas ang global sales ng medical robots sa pagitan ng 2018 at 2019 at maaari umano itong dumoble sa susunod na tatlong taon.

Ayon sa Hanson Robotics, sisimulan nila ang mass production ng mga robot sa katapusan ng kasalukuyang taon.### || Shiela Madrigalejos