LEGAZPI CITY – Hindi na nakapalag ang isang lalaki matapos siyang arestuhin ng operatiba ng Daraga PNP habang nasa akto ng pandurukot kahapon bandang 1:10 ng hapon sa kahabaan ng Rizal St., Brgy. Sagpon, bayan ng Daraga, Albay.
Kinilala ang suspek na si alyas “Marcelo”, 47-anyos, binata, walang trabaho, at residente ng Brgy. Inarado ng nasabing bayan.
Ayon sa imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon ang himpilan ng pulisya ng Daraga tungkol sa gumagalang mandurukot sa siyudad ng Legazpi at bayan ng Daraga na nambibiktima umano ng mga estudyante at mga naglalakad sa kalsada.
Agad namang kumilos ang mga awtoridad sa pamumuno ni PLTCOL. Carl Joseph B. Jaucian, officer-in-charge ng nasabing himpilan, at naglatag ng mga operatiba sa iba’t ibang strategic na lugar sa bayan.
Dahil sa mabilis na akyon ng Daraga PNP, natiklo ang suspek matapos siyang maaktuhan ng mga operatiba na dinidukot ang wallet ng isang Grade 11 na estudyante sa Daraga National High School.
Nagtangka pang tumakbo ang suspek subalit hindi na siya nakalusot dahil sa dami ng pulis at operatiba ng Daraga PNP na nakalatag sa kalsada.
Nakuha sa suspek ang wallet ng biktima na naglalaman ng P582.00.
Habang nasa proseso ng pagsasampa ng kaso laban sa suspek, napag-alaman din ng Warrant PNCO ng Daraga PNP na mayroon din itong nakaambang na Warrant of Arrest, at kabilang sa listahan ng mga Wanted Person ng PNP.
Bandang 3:52 ng hapon sa parehong araw, inihain sa suspek ang Warrant of Arrest para sa kasong Theft na nilagdaan ni Hon. Evangeline Mendoza Francisco, Presiding Judge ng RTC Branch 270, Valenzuela City noong ika-5 ng Abril 2021.
Samantala, wala namang rekomendadong piyansa ang korte laban sa suspek.