Ibinunyag ng US secretary of homeland security na nagnakaw umano ang North Korea ng mahigit $1 billion na cryptocurrencies at hard currencies sa nakalipas na dalawang taon, para pondohan ang kanilang nuclear weapons program.
Ayon kay US Secretary of Homeland Security Alejandro Mayorkas sa kanyang written testimony na isinumite bago ang plenary session ng Committee on Homeland Security sa House of Representatives, na ang malaking bahagi sa pondo ng North Korea para sa kanilang weapons ng mass destruction programs ay sa pamamagitan ng cyber heists ng cryptocurrencies at hard currencies na nagkakahalaga sa mahigit $1 billion.
Dagdag ni Mayorkas, na target ng ransomware attacks ang mga financial institutions, ospital, pipelines, electric grids at water treatment plants para maghasik ng gulo sa kanilang araw-araw na buhay.

Batay sa mga obserbasyon mula sa mga otoridad sa Amerika, kabilang na ng FBI, sinabi ni Mayorkas na ang insidente ay kinabibilangan ng mga ransomware na nangyari sa 14 mula sa 16 na mahahalagang infrastructure sectors ng US.
Nagbayad umano ang mga biktima sa unang kalahati ng 2021 ng tinatayang $590 million na ransom, kumpara sa $416 million na kabuoan noong 2020. //MHEL PACIA