BNFM BICOL— Doble ang hinagpis na pinag-daraanan ngayon ng pamilya ng isang namayapang lalaki sa bayan ng San Andres, Catanduanes.
Ito ay matapos mapag-alaman ng kanilang pamilya na ang kalilibing lamang nilang ama ay hindi nakaligtas sa masasamang loob matapos na bungkalin ang nitsong pinaglibingan nito ng mga hindi pa nakikilang salarin.
Sa panayam sa anak ng namayapa na si Jennifer Pereña, araw umano ng Linggo Pebrero 21, nang kanilang ihatid sa huling hantungan ang kanilang ama sa Comagaycay Cemetery ng nasabing bayan.
Kinaumagahan lamang araw ng Lunes nang matanggap nila ang tawag sa mismong sepulturero ng sementeryo na binungkal ng mga hindi nakilalang salarin ang nitsong kinalalagyan ng kanilang ama.
Bukas na rin umano ang kabaong nito nang matagpuan kung kaya’t ‘pagnanakaw’ ang kanilang nakikitang dahilan o motibo sa naturang insidente.
Ganunpaman, inihayag ni Pereña na wala silang inilagay o ‘ipinabaon’ na anumang may halagang bagay sa kanilang namayapang ama kung kaya’t wala naman umanong makukuha doon ang suspek.
Panawagan ni Pereña sa may kagagawan ng insidente, sana ay tubuan ito ng konsensya sa kalaspatanganang ginawa sa bangkay ng kanilang ama.
Umapela rin ito sa mga posibleng nakasaksi ng insidente na makipag-ugnayan sakanilang pamilya o kaya naman ay dumulog sa himpilan ng pulisya.###