Tiniyak ni National Economic and Development Authority o NEDA chief Arsenio Balisacan sa publiko na walang mangyayaring privitization sa mga serbisyo ng University of the Philippines -Philippine General Hospital o UP-PGH sa kabila ng panukalang public-private partnership sa cancer center project sa ospital.
Nauna nang nagbigay ng suporta si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa pagtatayo ng P6-bilyong pisong cancer center sa UP-PGH.

Sa isang press briefing sa Palasyo, sinabi ni Balisacan na ang iminungkahing proyekto ay sasailalim sa Build-Operate-Transfer arrangement kung saan ang isang private partner ay binibigyan ng concession upang tustusan, magtayo at magpatakbo ng isang proyekto.
Sinabi ng NEDA chief , na ang pasilidad ay magkakaroon ng 300 beds, kalahati nito ay mga charity beds para sa UP-PGH area habang ang iba pang 150 ay mga private beds.
Tiniyak din ni Balisacan sa publiko na magpapatuloy ang charity ward bilang bahagi ng kontratang pinirmahan ng gobyerno at pribadong sektor.