Nananatiling nasa heightened alert ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) matapos pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Marce ngayong Lunes.
Ayon kay NDRRMC chairperson at Defense chief Gilberto Teodoro Jr., mahigpit na mino-monitor ng mga kinauukulang ahensya ang sitwasyon kaugnay ng bagyong Marce.
Kasabay nito, nagdadagdag ang NDRRMC ng mga pagkain at iba pang relief items para sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo na sina Kristine at Leon.
Umabot na sa mahigit walong milyon na indibidwal ang naapektuhan ng bagyo habang nasa 251 na lungsod ang nasa ilalim pa rin ng State of Calamity.
Samantala, sinabi naman ni Pangulong Bongbong Marcos na ang pangunahing prayoridad ngayon ng pamahalaan ay ang pagtulong sa mga biktima ng mga kalamidad.