SORSOGON CITY – Natagpuan na sa Masbate ang katawan ng isa sa 5 mangingisda mula Baras, Catanduanes na naiulat na nawawala.
Ang bangkay ni Melvin Babagay, 36-anyos, residente ng Brgy Danao ay natagpuang palutang-lutang sa karagatan na sakop ng Brgy Matabao, Batuan, Masbate.
Nakilala ito ng pamilya dahil sa tattoo nito sa kaliwang balikat na ‘’Melvin.’’
Agad na inilibing ang agnas na na mga labi nito habang patuloy na pinaghahanap ang apat pa na kasamahan nito.
Kung babalikan, naiulat na nawawal ang mga mangingisda simula ng pumalaot ang mga ito noong Disyembre 1.
Ang kanilang mga bangka ay una nang narekober sa Capul Island sa lalawigan ng Samar.
Ayon sa ulat, sabay na pumalaot ang dalawang motorized banca na may markings na Jamaila 3 at France Gabriel kung saan lulan sina Dante Torrente at Melvin Babagay.
Pinaghahanap pa sina Ronald Abarle, 28-anyos; Jerson Asis, 21-anyos ang dalawang Torrente na sina Dante, 27-anyos at Jovel, 32-anyos.
Tanging si Freddie Mengo ang nakaligtas matapos na mapadpad ito sa isla ng Rapu-Rapu sa lalawigan ng Albay.


