CAMARINES NORTE- Mahigpit na minomonitor ngayon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang major water tributaries, low lying at flood prone areas, gayundin ang mga landslide prone areas sa bayan ng Basud, Camarines Norte sa gitna ng mga nararanasang pag ulan simula pa noong weekend.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Local Disaster Risk Reduction and Management Officer III Carlos Lomallo, sinabi nito na simula pa noong Sabado ay nakakatutok na sila sa mga ilog at binabahang lugar.
Kabilang sa mga barangay na kanila umanong tinututukan ay ang San Jose, Angas, Mocong at Mampili gayundin ang sitwasyon ng Basud River.
Ang landslide prone areas naman na tinututukan ng MDRRMO ay ang Pinagwarasan, San Pascual at Tuaca.
Nag abiso rin ang naturang opisina sa mga mangingisda partikular sa Mangacamagong, Taba- Taba at Hinampacan na huwag na munang pumalaot dahil sa nakabanderang gale warning sa karagatang sakop ng lalawigan bunsod ng Northeast Monsoon.
Tiniyak naman ni Lomallo na handa ang munisipyo na magbigay ng ayuda sakaling magpatupad ng pre -emptive at force evacuation.
Aniya mayroon silang stockpile ng bigas at canned goods para tumugon sa agarang pangangailangan.
Umapela rin sa Lomallo sa mga residenteng posibleng ilikas na huwag magmatigas sakaling kailanganing magpatupad ng evacuation.
Pero sa ngayon ay wala umanong pangangailangang magpatupad ng pre- emptive evacuation.
