BICOL—Bukas ang Armed Forces of the Philippines o AFP sa posibilidad ng paglalagay ng naval base sa Panay Island, Bagamanoc, Catanduanes para sa mga Philippine Navy Vehicles na magpa patrolya sa Philippine Rise o mas kilala sa tawag na Benham Rise.
Ito ang inihayag ng AFP makaraang personal na magtungo sa posibleng paglagyan ng naval base sa probinsya ang ilan sa mga kawani nito gaya nina Southern Luzon Command Military Commander Lt. General Antonio Parlade Jr; Commodore Jose Ma. Ambrosio Ezpleta at Philippine Army Maj. General Henry Robinson Jr.
Bago pa man nagpunta ang mga ito sa lalawigan ay una nang isinagawa ng grupo ang hydrographic survey upang makita kung posibleng maisagawa ang pinaplanong paglalagay ng nasabing proyekto.
Sa ngayon ay wala pang kumpirmasyon ang pagtatayo ng naval base sa nasabing bayan. Ang Panay Island ay nasa 220 km timog ng Benham bank na kilala rin sa tawag na “Kalipungawan”.###