SORSOGON CITY- Target ng Contact Tracing Team ng lungsod ng Sorsogon na matukoy ang 80% na close contacts ng mga nagpopositibong indibidwal sa loob ng 24 oras.
Ayon kay Sorsogon City Health Office Head Dr. Rolando Dealca, sa pamamagitan ng pagpapalakas ng pwersa ng contact tracing team ay mas maiiwasan ang massive transmission ng virus sa lugar.
Pahayag ni Dealca na sa ngayon, itinatayang 35 ang bilang ng kabuuhang contact tracer sa lokalidad kung saan kumbinsido naman ang opisyal na sapat ang bilang na ito upang mapanaliting nasa low risk area ang lungsod.
Samantala sa kabila ng sapat na bilang ng contact tracers at pwersa ng hanay nito ay patuloy parin ang payo ng opisyal sa publiko na patuloy na makiisa sa mga hakbang na ginagawa ng team.
Aniya, sa pamamagitan ng pagsulat ng tamang impormasyon sa mga logbook ng bawat establisamiyento pinatutunguhan sa lungsod ay malaking tulong na ito para mapabilis ang pagtukoy ng mga possible close contact ng isang nag-popositibo sa virus.

