NAGA CITY – Malaki ang epekto sa mental health ng isang indibidwal sa nararanasang sobrang init ng panahon ngayon.
Ito ay ayon kay Magno Reyes, Mental Health Nurse Coordinator sa Naga City Health Office.
Aniya, isa sa epekto o maaaring maranasan ang “heat stress” o sobrang pagrereklamo, na minsan lagi nang mainit ang ulo, dahilan din upang hindi na makatrabaho ng maayos o makapag-focus sa pag-aaral ang ilang estudyante, maliban pa riyan ang pagka-stroke lalo na sa mga matatanda at pagkakasakit pa ng mga bata.
Katunayan, ilan sa mga Barangay Health Worker pansamantalang tumigil sa pag-iikot dahil sa sobrang init na.
Dagdag pa ng opisyal, tuloy ang pagbibigay ng medikasyon lalo na sa mga nakakaranas ng mental health problem sa lungsod, sabay ang pagpapa-alala na mag-ingat sa mainit na panahon.