Iniutos ng Supreme Court ng Peru na manatiling nakakulong ng 18 buwan ang napatalsik na Pangulo na si Pedro Castillo matapos siyang arestuhin noong nakaraang linggo.
Si Castillo ay tinanggal sa puwesto at ikinulong matapos niyang subukang buwagin ang lehislatura dahil sa hangarin niyang umiwas sa isang impeachment vote sa gitna ng mga ginagawang pagsisiyasat sa ilang katiwalian sa ilalim ng kaniyang pamumuno.

Idineklara ng Peru ang state of emergency habang nananatili sa bilangguan ang napatalsik na Presidente.
Pinagbigyan ng isang Supreme Court Judge ang kahilingan mula sa mga prosecutors na manatili sa kanilang kostodiya si Castillo dahil sa flight risk pagkatapos subukang humingi ng asylum sa embahada ng Mexico sa Lima.
Nagdulot ng protesta sa buong bansa ang pagpapatalsik sa tungkulin ni Castillo. Ayon sa Ministry of Health , umabot sa sampu ang namatay sa nangyaring mga protesta.//CA