Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa San Lazaro hospital dahil sa sakit na leptospirosis.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante ang Head ng Adult Infectious Diseases and Tropical Diseases sa San Lazaro Hospital, sa nakalipas na isa’t kalahating linggo, nakapag tala na sila ng 149 cases ng leptospirosis sa kanilang hospital.
Sa naturang bilang walo na ang binawian ng buhay.
Dagdag ni Solante, nag eedad ang mga nasawi sa 28-45 years old, karamihan daw sa mga ito ay namatay dahil sa komplikasyon tulad ng renal failure at pulmonary hemorrhage o dumudugo ang baga.
Kaya paalala ni Solante na huwag nang antayin na lumala ang sintomas bago pumunta sa hospital.
Ilan sa mga sintomas ng leptospirosis ay pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng katawan, ulo at binti; pamumula ng mata at kapag tumagal ang sintomas unti-unti nang mararamdaman na kumukonti ang ihi.
#