Umabot na sa 671, 276 ang bilang ng mga naipamahaging National ID sa lalawigan ng Isabela mula 1,281, 486 na total registrants nito.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) – Isabela, mas mataas ang total delivery ng mga ID ngayong taon na mayroong 324, 200 kung ikukumpara noong 2022 na mayroong 230, 357 at 2021 na mayroong 116, 719 lamang.
Bumaba naman ang bilang ng mga registrants ngayong taon na mayroon lamang 38, 244 mula Enero hanggang Hunyo, kung ikukumpara rin sa 938, 364 noong 2021 at 304, 878 noong 2022.
Ipinagmalaki rin ng PSA-Isabela na nagsimula na rin ang pag-rolyo sa pagbibigay ng ePhilID na maaring maging alternatibong valid ID habang hinihintay ang PCV copy nito.
Ayon pa sa ahensiya, nasa 495, 745 na ang total issuance ng ePhilID sa lalawigan.
Pinayuhan naman ng PSA Isabela ang mga taong-bayan na maaari na silang pumunta sa registration centers para makakuha ng kanilang ePhilID copy.
Para naman sa may mga defective na National ID, maaari namang magtungo rin sa mga registration center para sa replacement.
Wala namang binigay na timeline ang PSA Isabela sa waiting time ng replacement ID.