LEGAZPI LEGAZPI CITY – Suportado ng Legazpi City Public Market Administrator ang rekomendasyon na No Vaccination Card No Selling Policy sa mga public market at terminals.
Ayon kay Julius Del Rosario, ang head ng Public Market ng lungsod, sakaling maging ganap na batas ang rekomendasyon ng isang congressman sa Albay ay agad na ipagbabawal sa mga nagtitinda sa merkado kung walang vaccination card.
Aniya, hihintayin rin nito ang resolution ipapalabas na city ordinance patungkol dito. Nasa 100% na rin bakunado na ang mga empleyado habang 80% ang nababakunahan na mga nagtitinda sa public market.
Aminado ito na may mga nagtitinda sa merkado publiko na hindi pa nagpapabakuna dahil sa takot at nagdadalawang isip pa ang mga ito.
Sa oras umano na ipatupad ang irerekomenda na pagbabawal sa mga vendors na magtinda na walang vaccination card na maipapakita ay magiging mahigpit ang mga ito.
Sinabi ng opisyal sa ngayon ay malaya pang nakakapagtinda ang mga vendors sa public market basta sumunod pa rin sa minimum health standard protocols laban sa covid 19.