NAGA CITY- Isinailalim na muli sa Alert Level 3 ang Naga City simula kahapon Enero 9, 2022 batay na rin sa quarantine classification ng National Inter Agency Response Task Force dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases.
Kabilang sa mga pangunahing ipinagbabawal na ang pagpasok sa mga business establishments ng mga menor de edad. 18-anyos at pataas lamang ang pinapayagan subalit kailangang may maipresentang vaccination card. Kung hindi bakunado dapat may bitbit na negative RT-PCR test Result o hindi kaya ay Antigen Test Result. Ito ay ayon kay Mayor Nelson Legacion sa pagsasapubliko ng mga panibagong patakaran sa papagitan ng City Events Protocol and Public Information Office o CEPPIO.
Bukod sa vaccination card kailangan muli ang pag scan ng QR code sa eSalvar Contact Tracing Application kung ayaw o walang eSalvar ID, kailangan muli mag sulat sa logbook.
Kaliwa’t-kanan din ang tanong sa LGU kung mag la-lockdown ang Naga, ayon kay Legacion hindi ito gagawin dahil hindi lamang lungsod ang maapektuhan kundi ang mga karatig bayan at lalawigan sa Bicol.