LEGAZPI CITY – Labing-isa katao ang inaresto ng mga tauhan ng Sto. Domingo Municipal Police Station sa ikinasang anti-illegal gambling operation (“Tupada”) sa Brgy. San Fernando sa nasabing bayan, dakong 2:15 ng hapon. Ayon sa impormasyon na nakarating sa Sto. Domingo MPS ang impormasyon na may gaganapin di umano na iligal na “tupada” sa nabanggit na lugar. Kaya agad nilang pinuntuhan ng mga operatiba ang nasabing lugar at doon nga ay nahuli nila sa akto ang mga suspek na nagsasagawa ng iligal na pagsusugal.
Isa-isang pinagdadampot ng mga kapulisan ang mga suspek na sina “Joselito Bedar, 55 anyos, Roger Balueta Je, 40 anyos isang barangay tanod, Jesus Bertumen, 61 anyos na lolo, isang retired navy, Dan Balino, 27 anyos, Rafael Baniel, 47 anyos driver, Paolo Grevialde, 20 anyos, Fernando Tiglao 51 anyos isang brgy tanod lahat ay residente ng nasabing barangay, Jyvic Barcelon Gavarra, 42 anyos, tricycle driver, residente ng Purok 5, Brgy. San Isidro, Daniel Banares, 52 anyos, Aircon Technician, residente ng Purok 3, Basud, Rene Lariosa, 64 anyos, government employee, residente ng Purok 1, Brgy Bonga, at si Temus Mesias, 62 anyos residente ng Purok 1, Brgy. Calayucay ng nasabing bayan.
Nasamsam mula sa mga suspek ang isang (1) buhay at tatlong (3) patay na manok, isang (1) tari at nylon cord, dalawang (2) VHF handheld radio, pera na nagkakahalaga ng php 2, 536.00 (bet money), at iba pang gambling paraphernalia. Nasa kustodiya na ng Sto. Domingo MPS ang mga nahuling kalalakihan, habang inihahanda na ang mga dokumento para masampahan ng kasong “Paglabag ng PD 449 o PD 1602” ang mga naaresto.