CAMARINES NORTE- Hangad umano ng Muslim Community sa lalawigan ng Camarines Norte ang isang matiwasay at malinis na Halalan 2022.
Ito ang inihayag ni Hadji Nasser Dimalna, ang Presidente ng Muslim Community sa Daet, at Vice President ng Salaam Police Advocacy Group (SPAG) sa Bicol Region sa naging panayam ng Brigada News FM.
Ayon kay Dimalna ipinapanalangin umano nila na walang mangyaring karahasan at pandaraya sa darating na halalan.
Sa ngayon ay wala pa umanong iniendorsong kandidato ang kanilang komunidad at bukas umano sila sa lahat ng mga kandidato.
Gayunman, posible umano na dalawa o tatlong araw bago ang halalan ay mag endorso sila ng kandidato sa mga miyembro ng kanilang komunidad.
“About po diyan sa mga ano pulitika po, kami naman po ay sa totoo lang po ay open po kami, open po kami at ang inaano po namin ay yun talagang napupusuan namin po na talagang siya ay nagugustuhan din po ng taongbayan kami po ay nakiiisa po sa madaling salita.”
Ayon pa kay Dimalna, naniniwala silang mga muslim na ang totoong nagbibigay ng kapangyarihan sa mga nagnanais manungkulan sa bayan ay ang Diyos at pangalawa na lamang ang tao.
