CAMARINES NORTE- Sinimulan na ngayong linggo ng Department of Trade and Industry (DTI) ang monitoring sa presyo ng mga noche buena products.
Sa harap na rin ito ng inaasahang paunti- unti nang pagbili ng mga consumer ng kanilang mga kailangan para maiwasan ang mas mahal na presyo kapag malapit na malapit na ang pasko.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Consumer Protection Division Head Alvin Sayno ng DTI Camarines Norte na posibleng sa buwan pa ng Nobyembre magpapalabas ng Suggested Retail Price ang ahensiya sa mga noche buena products.
Ang ginagawa umanong monitoring sa ngayon sa mga business establishment ay para sa magiging basis o pwedeng gawing point of reference sa ilalabas na bagong SRP para sa taong 2022.
“Wala pa pong lumalabas na suggested retail price, for the noche buena products, probably lalabas po yan sa buwan ng Nobyembre, but as early as now nagmomonitor po kami ng mga presyo ng noche buena products sa ating mga business establishment just to have a basis po para sa, pwedeng maging point of reference natin when we start yun bang talagang monitoring the establishment pag meron na po tayong SRP na lalabas,” ani Sayno.
Gayunman sinabi ni Sayno na asahan na ang pagtaas sa presyo ng mga noche buena products o kung hindi man ay ang pagbabago ng presyo sa mga sususnod na araw.
Tiniyak naman ng ahensiya na gagawing masidhi ang monitoring upang masiguro na kung may pagbabago man sa presyo ay walang “drastic increase” lalo na sa papalapit na kapaskuhan.
