CAMARINES NORTE – Hanggang ngayong araw na lang ang monitoring sa fireworks related injury kaugnay sa pagdiriwang ng pasko at bagong taon.
Kaugnay nito ay posibleng magpalabas na rin ng terminal report ngayong araw ang Provincial Health Office.
Sa nakalipas namang tatlong magkakasunod na araw ay hindi na nadagdagan ang naitalang bilang ng Fireworks related injury batay sa report ng mga pampublikong ospital at mga Rural Health Unit.
Matatandaan na sinimulan ang pagtatala ng mga nabiktima ng paputok noong December 21.
Nanatili sa 16 ang bilang ng Fireworks related injury sa lalawigan na labis ang itinaas kumpara sa dalawa lang noong nakaraang taon.
Ito na rin ang pinakamataas na kaso ng mga nadisgrasya sa paputok sa Camarines Norte sa nakalipas na apat na taon.
Pinakamarami ang nabiktima ng paputok sa Daet na mayroong siyam, dalawa sa Mercedes habang may tig- iisang kaso ang Labo, Talisay, Paracale, Basud at Vinzons.
Halos kalahati naman sa mga nabiktima ng paputok ay mga bata edad 9 hanggang 13 anyos.
