Kasado na ang mga paghahanda para sa Heroes’ Homecoming Parade ng mga atletang Pinoy na sumabak sa 2024 Paris Olympics.
Bukas, August 14, gaganapin ang parada ng alas tres ng hapon simula Aliw Theater sa Pasay at magtatapos sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.
Dahil dito, ilang kalsada sa Maynila ang pansamantalang isasara kabilang ang Vicente Sotto Street, Roxas Boulevard at Service Road, Padre Burgos Avenue, Finance Road, Taft Avenue, Quirino Avenue, at Adriatico Street.
Kaugnay nito naglabas naman ng alternatibong ruta ang MMDA para sa mga motorista na makikita sa kanilang facebook page.
Magpapatupad rin ng stop-and-go scheme sa mga intersection na daraanan ng parada.
Nasa 300 MMDA personnel naman ang idedeploy para imanage ang trapiko at para na rin maglinis.
Magkakaroon din ng float sequence at mahigpit na ipinagbabawal ang pagsunod ng ibang sasakyan sa parada.
Pipilitin naman na matapos ang parada bago mag alas singko ng hapon para bago ang rush hour traffic ay tapos na ito.
At sa pagbabalik nga ng ating mga atletang lumahok sa Paris Olympics, inaanyayahan ang lahat na makibahagi sa napakahalagang kaganapang ito sa pagdiriwang natin ng Pinoy Pride!