KORONADAL CITY — PATAY ang isang babae matapos umanong binugbog ng asawa nito sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Alyas Nita, 40, magsasaka at residente ng bayan.
Nahuli umano ng lalaki, Agosto 1 ng gabi ang asawa nitong may kasamang lalaki at may ginagawang “milagro” subalit bago pa man niya nakompronta ang dalawa, nakatakas na ang mga ito.
Kinaumagahan, umuwi umano ang babae sa kanilang bahay at dito na nagtalo ang dalawa na nauwi sa pambubugbog ng mister sa misis nito hanggang sa mawalan ng malay ang babae.
Isinugod pa ito ng kanyang anak sa ospital ngunit hindi na umabot ng buhay.
Agad namang nahuli ang suspek sa krimen at nasa kostudiya na ng mga otoridad.
