MILF Commander na isang National Level Wanted Person, inaresto ng CIDG Bangsamoro

Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Bangsamoro Autonomous Region ang isang kumander ng Moro Islamic Liberation Front o MILF pasado alas 11:00 ng tanghali sa Barangay Tuca, Marawi City.

Kinilala ni CIDG BAR Regional Chief Lt.Col. Ariel Huesca ang suspek na si Jovy Sanguila na may mga alyas na Jovy, Nadjieb Onga Sanguila at Commander Wahab Gara.

Nahaharap ito sa kasong paglabag sa Article 324 ng Revised Penal Code o Crimes Involving Destruction.

Kulong na ngayon ang suspek sa CIDG detention facility sa Lanao del Sur.

Batay sa mga nakalap ng impormasyon ng kapulisan, si Kumander Wahab Gara ay napabilang sa National Most Wanted Person na may patong sa ulo na abot sa 1.3 million pesos.

Nabatid ng CIDG, ang suspek ay kasapi ng 102nd Guerilla Base Command (GBC) ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng MILF.

Dagdag pa rito, posibleng sangkot ang kanyang grupo sa pag-atake sa Lanao del Norte noong August 18, 2008, kabilang ang pagsunog at pagnakaw sa mga bahay sa dalawang mga bayan.

Sangkot din umano ito sa kidnapping at pagpatay sa mga inosenteng sibilyan.

Isa sa mga nasawi noon ay si Lt.Col. Angelo Benitez na siya sanang uupong Executive Officer ng Joint Task Force Tabak sa Iligan City.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *